MENU

Ref. No.: Advisory-BKPE-7-2023

Nagbibigay ng babala ang Pasuguan ng Pilipinas sa Thailand na tumataas ang bilang ng mga kaso ng mga Pilipinong nare-recruit sa paraang hindi naaayon sa batas. Mga sindikatong kriminal na nakabase sa Timog-Silangang Asya ang nagre-recruit ng mga Pilipinong galing sa Pilipinas at pati na rin sa ibang bansa upang gumawa ng mga cybercrime.

Naaakit ang mga Pilipinong biktima ng mga huwad na alok na trabaho bilang "Customer Service Representatives" or "Call Center Agents" sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Kapag na-recruit na sila, bibigyan sila ng mga ticket upang lumipad sa isang bansa sa Timog-Silangang Asya, at mula roon ay dadalhin sila sa ibang pang karatig na bansa hanggang sa mga liblib na lugar. Magmula roon, mapipilitan ang mga biktima na magtrabaho bilang online scammers para sa cryptocurrency at iba pang mga uri ng online scam.

Karamihan ng mga Pilipinong biktima ng trafficking na nasasangkot sa mga scamming activities ay nakakaranas ng mga pang-aabuso sa kamay ng mga sindikatong kriminal. Kabilang rito ang pang-aabusong pisikal at sikolohikal; pagtatrabaho nang walang patid na oras at sa ilalim ng mga di kaaya-ayang kalagayan; hindi pagpapa-sweldo; pag-kukumpiska ng mga pasaporte, mobile phones at iba pang gadgets; at pagpapataw ng labis-labis na halaga ng pera kung nais nilang umalis sa trabaho. May mga pinagbantaan ng kamatayan o puputulan ng mga kamay kung hindi nila ipagpapatuloy ang trabaho nila. May mga binantaan din na mapapahamak ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. May mga biktimang pinagbili sa iba pang sindikatong kriminal na sangkot sa trafficking, kasama ang sexual slavery.

Binibigyang-diin ng Pasuguan ang publiko na mag-ingat sa mga sindikatong kriminal na nag-aalok ng trabaho sa mainland ng Timog-Silangang Asya.